Tips kung saan dapat mag-impok o mag-invest ng pera


Likas na kay Juan dela Cruz na maging madiskarte at matiisin sa buhay. Dahil sa sanay sa hirap, kaya niyang tiisin ang gutom o pagod para lang mabuhay araw-araw. 

Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, kung marunong lang siyang mag-impok o kaya'y gamitin sa mas makabuluhang bagay ang kinikita ay hindi na niya kailangang magtiis pa at mabaon sa utang. 

Kung matututo ang bawat Pilipino na mag-impok ay

tiyak mababawasan ang mga mahihirap at mas magiging maunlad ang kabuhayan ng bawat isa. 

Sinabi ng financial expert na si Salve Duplito na may ilang paraan para matipid ni Juan ang kanyang kinikita buwan-buwan. 

May mga hakbang aniya para mapalago ito nang hindi kumakapit sa patalim at hindi sumusugal sa mga ilegal na investment tulad ng pyramiding. 

Narito ang ilang tips kung saan magandang ilaan ang kinikita para mas mapaunlad pa ito: 

1. Ibayad kaagad sa mga utang

Sa oras na matanggap mo ang iyong sweldo, bonus o iba pang pagkakakitaan ay maaari na itong ipambayad-utang. 

Nakakapanghinayang ito sa unang tingin, ngunit sa pang-matagalan ay mas makakatipid ang isang manggagawa kung babayaran niya ang kanyang mga utang sa credit card man o personal loan para hindi na mas lumaki pa ang interes nito. 

Ayon kay Duplito, hindi natutulog ang interes kaya mas mainam na bayaran na ito ng mas maaga para mas matipid ang mga matatanggap pang pera sa mga susunod na buwan. 

"Ibayad mo sa utang muna kung meron kang utang sa bangko, sa credit card, sa relatives mo. May interes din yun eh." 

"Pag ginawa niyo yan pagdating ng Christmas o New Year, masarap yung pakiramdam," aniya. 

Bukod sa wala na aniyang alalahanin ay mas magiging buo din ang makukuhang sweldo pagdating ng bagong taon. 

2. 3-buwang emergency fund

Ang pagtatabi ng tatlong buwang halaga ng iyong monthly expenses o halaga ng gastusin sa tatlong buwan, ay mahalagang gawin ng isang manggagawa. 

Bagama't walang pinaglalaanan ay mas mabuti nang may maitatabi para sa oras na may magkasakit sa pamilya o iba pang hindi inaasahang bayarin ay may mailalabas ka. 

"Dapat may emergecy fund, tatlong buwan na katumbas ng monthly expenses mo na naka-park lang sa iyong bank account. Kahit anong klaseng emergency. kahit may magkasakit sa pamilya, hindi ka gipit," sabi pa ni Duplito. 

"Anong gusto mo, pag marami kang gamit o medyo simple lang ang buhay pero sa likod ng isip mo, wala kang worries?"

3. Huwag isiping 'wala kang choice'

Ayon kay Duplito, kadalasang kumakapit sa patalim ang mga Pinoy dahil sa pagsasabi nito na wala siyang choice o pagpipilian. 

Kaysa aniya pumasok sa nga 5-6 o pautang ay huwag na lang gumastos kung hindi naman importante.

Sakali namang hindi na talaga mapigilan ang paggasta ay mas mainam na sa mga bangko na may mabababang interes umutang kaysa sa mga taong nagpapa-'5-6'.

Umaabot aniya sa 20% kada araw ang sinisingil ng mga ito kayamas lugi ang isang empleyado kung mababaon sa kaka-'5-6'.

"No choice? Sa totoo naman, meron pero hindi mo makukuha ng mabilis, magtiis ka ng kaunti. O kaya kumuha ka ng personal loan. Mas mababa ang interes niyan kaysa sa credit card interest," sabi pa ni Duplito. 

4. Mag-invest sa mutual fund, gov't bond, time deposit

Samantala, inisa-isa ni Duplito ang mga legal at epektibong paraan ng pag-iimpok tulad ng mutual fund, government bonds, at time deposit. 

Mutual fund

Ayon kay Duplito, ang mutual fund ang pinagsama-samang pera ng tao at ipapasok sa isang investment. 

Ang mismong kumpanya o bangko na umano ang bahalang mag-invest nito at isa hanggang isa't kalahating porsyento ang sisingilin nito. 

Minimum ng isang taon ang paglalagak ng pera dito. 

Depende rin aniya sa performance ng stock market ang magiging tubo ng perang inilaan sa mutual fund. 

Posibleng maging malaki ang return ngunit may posibilidad din ng pagkalugi. 

Maganda aniya na kahit malugi ay huwag munang aalisin sa mutual fund, at kung tumaas na ang halaga nito ay doon na lang kunin ang kabuuang interes ng iyong inimpok. 

May mutual fund aniyang maaaring magsimula sa P1,000. 

Time deposit

Ang time deposit naman ay ang pag-iimpok ng pera sa isang bangko, na hindi mo muna maaaring i-withdraw o kunin, sa itinakdang araw. 

Mas malaki ng kaunti ang tutubuin nito kumpara sa ordinaryong savings account. 

Treasury bond

Ang treasury bond o government bonds naman ay ang tila pagpapautang sa pamahalaan sa pamamagitan ng isang bangko. 

Mas malaki rin aniya ang kikitaing interes nito kumpara sa time deposit. 

5. Maging simple

Ayon pa kay Duplito, hindi ikakamatay ng tao kung hindi siya makabili ng mga mamahaling gamit o gadget. 

Kung magiging simple ang pamumuhay ng isa ay mas magkakaroon ito ng pagkakataong makapag-impok para sa kanyang pagtanda. 

Hindi aniya maganda ang mabuhay ng "payday-to-payday" lamang. 

Sakali namang may inaasahang promotion o dagdag-sweldo ay huwag nang gastusin ito lahat. 

Mas mabuti kung mabubuhay sa dati mong nakasanayang sweldo upang matipid mo na ang sosobra dito. 

Ang pinaka-mahusay aniyang diskarte ay maglaan ng 30 porsyento mula sa household income buwan-buwan.